Wednesday, November 28, 2012

MADA'AM JO-NA PIS

Si Jo-Na Pis ay nagmula sa angkan ng mga Pis, ang angkan na kilala sa larangan ng mahusay na paglilingkod. Ipinanganak siya ilang siglo na ang nakalilipas, bago pa dumating si Kristo, sa kapanahunan ng Imperyo Li sa pamumuno ni Haring Ngan.

Sa Bayan ng Lee-Se-Yoh, bansang Mah Ma-Tid ipinanganak si Jo-Na, ang kanyang ina ay ang dakilang Sastre na si Rek-Sy Kil, anak ng pinakamahusay na kapitan na naging Punong Kapitan noong mga panahong iyon, si Jo-Se Kil. Si Rek-Sy ay kilala sa pagiging pinakamahusay sa lahat ng bagay, simula pagkabata hanggang mag-dalaga ay nag-aral sya sa Palasyo ng For-Ae, bilang tagapag-luto at tagapaglingkod sa Palasyo. Dahil sa kahusayan, madaming nainggit sa kanyang kakayanan at siya'y ipinagkanulo ng dating Punong Tagapamahala sa Kusina ng mga panahong iyon, sa sumbong ng pamangkin ng punong tagapamahala natapos ang pangarap ni Rek-Sy na maging isang mahusay na tagapaglingkod, di umano'y nakikipagkita daw siya sa isang lalaki at dahil bawal ito sa batas ng mga tagapaglingkod sa palasyo, siya'y pinatalsik ng punong tagapamahala at iyo'y ikinatuwa ng kanyang pamangkin na nag-aaral din sa palasyo at mahigpit na katunggali ni Rek-Sy, ito'y si Jen-Ny Cruz. Sa tulong ng kanyang matalik na kaibigan na si Te-Yol Ly, si Rek-Sy ay nakabangon sa kanyang pagkadapa at nag-aral ng pananahi sa Departamento ng Tahian sa palasyo, dahil sa likas na kahusayan sa lahat ng bagay, siya'y naging isang Sastre sa palasyo at ang napiling taga-panahi ng mga kasuotang isinusuot lamang ng mga tao sa Palasyo, ang Mahal na Hari, Reyna at mga prinsipe't prinsesa.

At dahil hindi naman bawal sa kautusan ng mga Sastre sa palasyo ang pag-aasawa, si Rek-Sy ay nakatagpo ng kanyang magiging kabiyak habang buhay, ito ay sa katauhan ni Le-Yo Pis, anak ng dakilang Yu-Neok (Lalaking tagapaglingkod ng Hari) noong  panahong iyon, si Yu-Neok Pi-Lo Pis. Madaming mga angkan ng Pis pa ang nabuhay sa larangan ng paglilingkod noong mga araw na iyon, kaya't kilala ang kanilang angkan sa Palasyo ng For-Ae.

Sa kabila ng katanyagan ng kanilang mga angkan, mas pinili ng dalawa ang tahimik na buhay sa labas ng Palasyo, mayroon silang isang maliit na tahanan na may malaking bakuran sa likod 'di kalayuan sa labas ng palasyo. Tumigil na sa pag-aaral ng pagiging Yu-Neok si Le-Yo at lumabas na sa palasyo, samantalang si Rek-Sy ay patuloy pa din bilang isang Sastre sa Palasyo. Sila ay nagkaroon ng tatlong supling, una ay si Oh-Than Pis, na siyang pinag-aaral nila sa palasyo upang maging isang Yu-Neok, pangalawa si Jo-Na, at pangatlo ay si Than-Oh.

Mula pagkabata ay ninais na ni Jo-Na ang makarating sa Palasyo, sa pagbabawal ng kanyang ina ay lumawak ang kanyang kuryosidad na marating ang pinapangarap na palasyo. Ayaw ni Rek-Sy na maging isang tagapaglingkod si Jo-Na, sa kadahilanang natatakot syang magaya sa kanya ang kanyang nag-iisang anak na babae. Ngunit dahil itinakda ng tadhana ang pagiging tagapaglingkod ni Jo-Na, sya ay nakapasok sa palasyo at nakilala niya ang Punong Tagapamahala sa Kusina noong panahong iyon na si Mada'am Te-Yol Ly, lingid sa kaalaman niya na ang babaing punong tagapamahala ay matalik na kaibigan ng kanyang ina. Noong panahong iyon ay namatay ang kanyang ina sa isang 'di inaasahang pagkakataon, sa pagkawala ng ina ay hinayaan na lamang ng kanyang ama na siya ay magtuloy sa palasyo at mag-aral sa tulong ni Mada'am Ly na nagsilbing kanyang guro habang nagsasanay sya sa palasyo.

Dito na nagsimula ang kanyang pamamayani sa loob ng palasyo bilang isang mag-aaral na tagapaglingkod. Kasabay niya sa pag-sasanay sa palasyo si Ji-Jet Cruz, ang pamangkin ng Punong Tagapamahala noon na si Mada'am Jen-Ny Cruz na naging mahigpit na kaaway ng kanyang ina noong nag-sasanay pa ito dati at ni Mada'am Te-Yol na ngayon ay guro niya. Si Ji-Jet ang naging katunggali nya sa pagluluto, parehong may katangian sa pagluluto ang dalawang bata, ngunit iba ang kahusaysan ni Jo-Na, mula pagkabata, hanggang maging isang ganap na tagapaglingkod sila, mas nakilala si Jo-Na sa larangan ng pagluluto, at ito'y kinaiinggitan ni Ji-Jet, kaya't lahat ng paraan ay ginagawa nito mapatalsik lamang sa palasyo si Jo-Na. Sa tulong ni Shar-Vie Ja, isa ring tagapagsanay sa palasyo at matalik na kaibigan ni Jo-Na, lahat ng kasamaan ng mag-tiya ay nalampasan nila. Sa kahusayang pinamalas ni Jo-Na, siya ay naging personal na tagapaglingkod  ni Mada'am Te-Yol Ly na umangat bilang bagong Punong Tagapaglingkod noong panahong iyon, si Jo-Na ang pinakabatang naging Lady sa lahat ng mga tagapaglingkod sa Palasyo. Bilang Lady Pis, hinusayan niya ang pagluluto at naging espesyal na tagapagluto siya ng noong Mahal na Prinsipe Ches-Ter Ngan at ang dalawa'y naging matalik na magkaibigan.

Namatay ang Amang Hari, ama ni Prinsipe Ngan at 'di nagtagal, si Prinsipe Ches-Ter Ngan ay naging bagong Mahal na Hari, ipinakilala ni Lady Jo-Na Pis ang kanyang matalik na kaibigan na si Shar-Vie sa Mahal na Hari at nag-ibigan ang dalawa hanggang sa maging babae ng Hari si Shar-Vie. Batid ni Lady Ji-Jet Cruz ang mangyayari oras na maging Reyna si Shar-Vie, tiyak na tataas sa Palasyo si Lady Pis at silang mga kaaway nila ay papatalsikin sa Palasyo. Sa ganoong pag-iisip, nilason ni Lady Cruz ang isip ng matandang Mahal na Inang Reyna na si Inang Reyna La-Nel Bo, ina ng Mahal na Hari, upang huwag hayaang maging Reyna ang isang dating tagapaglingkod lamang. Ngunit nanaig ang pagtitinginan ng Mahal na Hari at ni Shar-Vie, kaya't ito'y naging isang ganap na Mahal na Reyna. Nagpatuloy ang pamamayani sa palasyo ni Lady Pis, dahil na rin sa mga kasamaan na patuloy na ipinapalagap ng Angkan ng Cruz, napatalsik ni Mada'am Ly si Mada'am Cruz sa pagiging Punong Tagapamahala sa Kusina, sa kanyang pagkakatalsik, humuling siya na ang kanyang pamangkin dapat ang papalit sa kanyang posisyon. Umasa si Lady Ji-Jet Cruz na siya ang papalit sa kanyang tiya. Ngunit nagkamali sya, dahil ang naging bagong Punong Tagapamahala sa Kusina ay walang iba kundi si Lady Jo-Na Pis.

Tagos sa puso ang tuwa na naramdaman ni Jo-Na sa katuparan ng pangarap niya na maging isang Punong Tagapamahala sa Kusina, nagka-alamanan na si Mada'am Ly ay matalik na kaibigan ng kanyang ina, kaya't lalong sumaya ang dalawa. Ito'y pangarap din ng kanyang Ina, ngayon ay napunta na sa kanya. Tiyak na tuwang-tuwa din ang kanyang Ina sa langit. Mahusay ang pamamalakad ni Mada'am Jo-Na Pis sa Kusina, isinaayos nya din lahat ng mga tao sa mga posisyon na nababagay sa kanila maging ang departamento kung saan sila dapat maglingkod. Naging mabuti ang lagay ng Kusina at naging masigla ang lahat. Lusak ang kinasadlakan ni Lady Ji-Jet Cruz, puno sya ng galit at poot simula noong mapatalsik sa palasyo ang kanyang nag-iisang kakampi, ang kanyang tiya. Iisa ang habilin ng kanyang tiya bago nya lisanin ang palasyo, ito ay ang maitayo ang posisyon niya at talunin ang kuponan ni Mada'am Pis. Sa paghahangad niya sa mataas na posisyon, naisip nya dapat ay mawala ang isa sa dalawa para kapag naghanap ng kapalit ay maaaring sya na ang pumalit sa maiiwang posisyon.

Samantalang lalong naging masigla ang samahan sa Palasyo ni Mada'am Te-Yol Ly bilang Punong Tagapaglingkod at ni Mada'am Jo-Na Pis, bilang Punong Tagapamahala sa Kusina. Palagi nilang pinagkukuwentuhan ang masasayang araw ng pagkakaibigan nila ng kanyang ina.

Isang 'di inaasahang pagkakataon ang pumatay sa Punong Tagapaglingkod, nasunog ang kanyang tanggapan habang natutulog ang matandang Punong tagapaglingkod. Laking lungkot ang inabot ni Mada'am Pis sa pagkawala ng kanyang itinuring na pangalawang ina. Sa kabila nito ay ang tuwa na bumabalot sa mukha ni Lady Cruz sa pagkasatuparan ng kanyang plano. Sa pagkawala ng Punong Tagapaglingkod, marami ang nalungkot, marami ang halos nawalan ng pag-asa, nagluksa ang buong palasyo lalo na ang Kusina.

Sa kabilang banda, ang kampo ng mga Cruz ay nag-paplano na kapag naging Punong Tagapaglingkod si Jo-Na Pis, maaaring si Lady Ji-Jet Cruz ang pumalit sa iiwanan nyang posisyon, at kapag nagging Punong Tagapamahala na si Ji-Jet, mapapasakamay na niya ang buong kusina at makakapaghasik na sila ng lagim, unti-unting nagpaplano si Ji-Jet at ang kanyang Tiya. Madali na nilang mapapatalsik ang Si Jo-Na Pis, sapagkat hawak na nila ang Kusina kung saan niluluto ang mga pagkaing inihahain ni Jo-Na sa mga tao sa Palasyo. Ngunit lahat ng inakala ni Ji-Jet ay hindi nagkatotoo.Na'ng maging Punong Tagapaglingkod si Mada'am Jo-Na Pis, ang pinili nya para maging Punong Tagapamahala sa Kusina ay ang isa nyang kaibigan na si Lady Ri-Za To. Naging bagong Punong Tagapamahala si Ri-Za To, at nagging isang malaking hamon sa kanya kung papaano nya mababantayan ang kusina na kagaya ng kagalingang pinamalas ng kanyang kaibigan, bukod pa ditto ay ang panggugulo ni Ji-Jet Cruz na lalong nagtanim ng galit sapagkat naunahan na naman sya.

Nagsimula ang pamumuno ni Mada'am Pis bilang Punong Tagapaglingkod sa Palasyo. Nagkataong ang kanyang Kuya, na isang Yu-Neok ay nakahanda na din upang maging isang Punong Yu-Neok. Kaya mas mapapaayos ang paglilingkod na gagawin nilang magkapatid sa kabutihan ng Pamilya Royal. Ang Mahal na Hari na si Ches-Ter Ngan, ang kanyang Mahal na Reyna Shar-Vie Ja, ang kanilang mga anak, ngunit hindi ang Mahal na Inang Reyna.

Hindi gusto simula't sapul ng Mahal na Inang Reyna La-Nel Bo ang pamumuno ni Mada'am Pis sa Palasyo, dahil na din sa paglalason ng isip na ginagawa ni Lady Cruz sa kanya. Lahat ng mga maling impormasyon ay binabalita ng inggiterang tagapaglingkod. Kaya't nag-isip si Mada'am Pis na ilipat ng ibang tanggapan si Lady Cruz at hindi na ito ang magiging personal na tagapaglingkod ng Inang Reyna. Hindi pumayag si Lady Cruz at nakiusap sya sa Inang Reyna, ngunit ang Mahal na Hari ang nagdesisyon kaya't napalipat sya sa kusina bilang tagapaglingkod sa Imbakan ng mga Pampalasa.